Umaabot na sa mahigit 1.4 milyon ang bilang ng mga aspirants na naghain ng kanilang kandidatura o Certificates of Candidacy (COCs) para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Batay sa inilabas na datos ng Commission on Elections (Comelec), nabatid na hanggang 8:30 ng umaga nitong Martes, Setyembre 5, kabuuang 1,414,487 na ang bilang ng mga kandidatong naghain ng kandidatura para sa halalan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang dito ang 65.09% na mga lalaki o 920,666 habang 34.91% naman ang mga babae, o 493,821.

Para sa Barangay Elections, 96,962 ang naghain ng kandidatura para sa pagka-punong barangay habang 731,682 naman ang naghain ng kandidatura para sa pagiging miyembro ng Sangguniang Barangay (SB).

Para naman sa SK elections, nasa 92,774 ang naghain ng COC para sa pagiging SK Chairman habang 493,069 naman para sa pagiging miyembro ng SK.

Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, kabilang sa naturang datos ang lahat ng COCs na naisumite sa buong bansa, gayundin ang datos para sa huling COC filing sa National Capital Region (NCR) at Abra noong Setyembre 4.

Nabatid na nasa kabuuang 672,016 ang kabuuang bilang ng mga puwestong pupunuan sa 2023 BSKE.

Kabilang dito ang 42,001 sa punong barangay, 294,007 para sa miyembro ng Sangguniang Barangay, 42,001 para sa SK Chairman at 294,007 din para sa miyembro ng SK.

Matatandaang nagtapos na ang COC filing sa bansa para sa naturang halalan noong Sabado.

Nakatakda naman ang campaign period mula Oktubre 19 hanggang 28 habang ang 2023 BSKE ay idaraos sa Oktubre 30.