Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga lider ng 896 na barangay sa lungsod na tumulong sa lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad pa ng turismo.
Ang panawagan ay ginawa ng alkalde matapos na lagdaan upang maging batas ang Ordinance 8976 na lumikha ng tourism committees sa bawat barangay.
Nabatid na layunin ng naturang ordinansa na makatulong sa Department of Tourism Culture and the Arts (DTCAM) na pinangungunahan ni Charlie Dungo, sa promosyon ng mga tourist spots sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa naturang signing ceremony, na ginanap sa Manila City Hall, pinasalamatan rin naman ni Lacuna si Councilor at Liga ng Barangay president Lei Lacuna, pinuno ng Tourism Committee ng Manila City Council, sa ginawang pag-akda ng nasabing ordinansa at si Vice Mayor Yul Servo na siyang concurrent Presiding Officer ng Manila City Council, na nagpasa ng nasabing batas.
Hinikayat din ng alkalde ang lahat ng barangay na gamitin ang nasabing ordinansa na mapalago ang resources at assets ng turismo at gawing puhunan ang mga hakbang sa pagpapaunlad ng turismo sa kanilang nasasakupan.
“Salamat sa DTCAM sa napakalaking ambag sa ating lungsod… muling binuhay ang turismo sa pamamagitan ng pagtutok sa walong natatanging tourism hubs sa lungsod,” saad ng alkalde.
Pinuri rin naman ni Lacuna si Dungo sa mahusay nitong trabaho.
“Kadalasan, ang turismo ay nakatuon lamang sa Luneta at Intramuros pero dahil sa isinagawang tourism development plan kasama ang city council, lahat ng lugar sa Maynila ay mabibigyan na ng tamang pagpapahalaga. Salamat sa DTCAM dahil sa pagpapasigla ng turismo at kultura sa lungsod,” dagdag pa ng alkalde.
Anang lady mayor, ginamit ng DTCAM ang pandemya bilang isang pagkakataon na buhayin ang turismo sa siyudad.
Aniya pa, may mga nakalinya na ring mga special events ang lokal na pamahalaan para sa selebrasyon ng buwan ng turismo.
Pangunahin na dito ang paglagda sa landmark legislation na magpapalakas sa grassroots leaders, barangay officials sa paggamit sa turismo hindi lamang bilang mekanismo sa paglago at pag-unlad ng lipunan at ekonomiya kundi upang bantayan, pagyamanin at proteksyunan ang pagkakakilanlan bilang siyudad na may mayamang kultura at kasaysayan.
Sa pagpasa ng ordinansa, nagpahayag ang alkalde ng pag-asa na magsisilbi itong instrumento na makilala ang kakayahan ng bawat barangay sa pag-impluwensya sa kanilang nasasakupan kaugnay ng kahalagahan nang pagsusulong ng lokal na turismo, simula sa kanilang nasasakupan.
Ang pinakamahalagang bahagi ng plano ay makita at makilala ang Maynila bilang pangunahing tourism at cultural hub ng bansa.
Maliban naman sa mga barangay, nanawagan din si Lacuna sa lahat ng tanggapan na aktibong makilahok sa pagpapalaganap ng turismo sa syudad.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Dungo na layunin ng bagong lagdang ordinansa na lumikha ng tourism committees sa bawat barangay at dalhin ang DTCAM sa mga barangay.
Pinasalamatan din niya si Councilor Lei sa pag-akda ng nasabing ordinansa at sinabing, "DTCAM cannot do the job alone and needs all the help it can get to perform to the fullest.”