Pinuri ni Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz ang mga inisyatibo ng Manila City government upang mapanatiling mainit ang relasyon ng lokal na pamahalaan sa mga sister-cities nito sa China.

Ang pagpuri ay ginawa ni Amb. Florcruz matapos na mag-courtesy visit sa Philippine Embassy sa Beijing ang Manila delegation, sa pangunguna mismo ni City Administrator (CA) Bernardito “Bernie” Ang kamakailan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kaugnay nito, nagpahayag din si Ang ng positibong pagtugon para sa Manila local government na pinamumunuan ni Manila Mayor Honey Lacuna, at sa interes ng ilang siyudad sa China na buhayin ang sister-city relationship sa lungsod.

Nabatid na bukod kay Ang, kabilang din sa Manila delegation sina Manila Chinatown Development Council Executive Director Willord Chua, Universidad de Manila (UDM) President Dr. Felma Carlos-Tria , UdM Director for Quality Assurance, Accreditation, Compliance and Linkages Dr. Rejan L. Tadeo at Director for Information and Communications Technology Emmanuel Gatdula, at iba pa.

Sinabi rin ni Ang kay Florcruz na halos buwan-buwan, ang secretary-generals ng mga probinsya ng China, ay nakikipagbalitaan sa Manila City government para sa muling pagtatatag ng sister-city relation.

Katunayan aniya, nagawa na ito ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga probinsya ng Fuzhou, Chongqing at Guangzhou.

Inaasahan din aniyang marami pang lalawigan ang susunod dito.

Samantala, sinabi pa ni Florcruz na ang panunumbalik ng sister-city agreements sa Manila local government unit (LGU) ay nagsimula sa Guangzhou, dahil ito ang unang sister-city relation na naitatag ng Maynila.

Sa panig naman ni Ang, sinabi nitong mismong ang kilalang-kilala na si Chairman Mao Ze Dong ang nagsabi kay First Lady Imelda Romualdez-Marcos, maybahay ni dating President Ferdinand Marcos at ina ng kasalukuyang Presidente ng bansa na si Ferdinand Marcos, Jr.,  na gusto niya  ang Maynila na maging  sister-city ng Guangzhou.

Binanggit din ni Ang na ang 47-year-anniversary relasyon sa pagitan ng Maynila at Guangzhou ay sa Nobyembre na.

Idinagdag din nito na bagamat ang relasyon na nakalagay sa pormal na kasunduan ay nilagdaan noong 1982, ang relasyon sa pagitan ng dalawang siyudad ay nagsimula noon pang 1975, nang bumisita si First Lady Imelda Marcos sa China.