Hindi na palalawigin pa ng Commission on Elections (Comelec) ang filing o paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa isang mensahe sa mga mamamahayag nitong Lunes, mismong si Comelec Spokesperson Rex Laudiangco ang nagkumpirma na wala ng ekstensiyon pa na ipatutupad sa COC filing para sa nalalapit na halalan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“No more po, that’s it po,” ayon pa kay Laudiangco.

Kaugnay nito, iniulat rin ni Laudiangco na ang bilang ng mga kandidatong naghain ng kanilang COCs ay hindi kasing dami ng dati.

Aniya, simula pa noong Setyembre 2 ay naging matumal na ang paghahain ng kandidatura.

Nabatid na hanggang noong Sabado, nasa kabuuang 1,181,404 aspirants ang naghain ng COC sa buong bansa.

Ang COC filing para sa 2023 BSKE ay pormal nang nagtapos noong Sabado, maliban sa National Capital Region (NCR) at sa Abra na nagtapos nitong Setyembre 3 at 4 at sa Ilocos Norte, na nagtapos naman noong Setyembre 3.

Nakatakda naman ang campaign period mula Oktubre 19 hanggang 28 habang ang 2023 BSKE ay idaraos sa Oktubre 30.