Kinondena ng human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno ang pagdakip umano sa dalawang environmental human rights defenders sa Bataan noong Sabado, Setyembre 2.
Matatandaang napabalita ang pagkakadakip sa dalawang babaeng environmentalists na kinilalang sina Jhed Tamano, 22; at Jonila Castro, 21.
MAKI-BALITA: 2 environmentalists, dinakip sa Bataan – human rights group
“Dalawa pang kabataang Pilipino ang naging biktima ng mga abusadong maykapangyarihan,” pahayag ni Diokno sa platapormang X (dating Twitter).
Tumulong pa umano sa kampanya ni Diokno noong nakaraang eleksyon si Tamano, na inilarawan ng human rights lawyer na “isang masipag at malikhain na volunteer.”
“Nananawagan tayo sa AFP at PNP na hanapin sila, at kung hawak nila ay ilabas agad para makausap ng kanilang pamilya , abogado, at doktor,” ani Diokno.
“Nananawagan din tayo sa CHR na gamitin ang kanilang visitorial powers para mailitaw agad sina Jhed at Jonila.”
“Walang lugar ang enforced disappearance sa ating lipunan, lalong na sa mga kabataang lumalaban para sa ating kalikasan,” saad pa niya.