Nagbunyi hindi lamang ang basketball fans kundi ang sambayanang Pilipino sa pagkapanalo ng koponang "Gilas Pilipinas" laban sa koponan ng China, sa naganap na 2023 FIBA Basketball World Cup na ginanap sa Araneta Coliseum nitong Sabado, Setyembre 2.

Panalo ang Gilas sa score na 96-75, at ang nanguna sa koponan ng Pilipinas ay si Jordan Clarkson na nakapuntos ng 34.

Nagpaulan si Clarkson ng limang three-point shots at pumuntos ng 24 sa third quarter lamang ng laro, dahilan kaya’t nakabuo ang Gilas ng 22-point lead kontra China, 73-51.

Sa pagpasok ng 4th quarter, napanatili ng Gilas ang kanilang lamang at natapos nga ang laban sa final score na 96-75.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Dahil sa naturang pagkapanalo kontra China, may pagkakataon pa ang Gilas na makasungkit ng ticket sa 2024 Paris Olympics sa pamamagitan ng FIBA Olympic Qualifying Tournament (FOQT).

Matapos ngang manalo ng Gilas sa kauna-unahang pagkakataon at nagkataong China pa ang nakalaban, hindi naman naiwasan ng netizens na maiugnay ito sa hidwaan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Anang mga Pinoy, kahit man lang daw sa basketball ay maipanalo ng Pilipinas ang laban kontra China.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.

"Finally, the much awaited win. Congrats Phil. Team!"

"Kaya naman palang manalo ng Pinas over China! Congrats!"

"Symbolic ba ito? Paano naman sa West PH sea?"

"We might have failed defending WPS but winning against them is clearly a statement! Proud Pinoy!"

"Pinakamasarap at importanteng panalo, Congratulations!"

"Nakakatuwa na ang natalo ng Pinas ay China. Ang saya sa pakiramdam. Sweet victory!"

"Nakaganti rin tayo sa China yuhuuu!!!"

Samantala, naispatan din sa nabanggit na laban ang ilang mga senador gaya nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa na labis na nagbunyi dahil sa panalo ng Gilas Pilipinas.

MAKI-BALITA: Gilas Pilipinas, tinambakan ang China