Inilibing na ang Kapuso Broadcaster na si Mike Enriquez sa Loyala Memorial Park sa Marikina City nitong Linggo, Setyembre 3.

Dumalo sa libing ang kaniyang mga kaanak, kaibigan, at katrabaho. Dumagsa rin ang mga tagasuporta niya.

Bago siya tuluyang dalhin sa semeteryo, nagdaos muna ng misa na ginanap sa King Parish Church. Pagkatapos, idinaan ang kaniyang mga labi sa bahay niya sa White Plains Subdivision sa Quezon City.

Namaalam si Enriquez noong Agosto 29 sa edad na 71. Bago pa man iyon, sinubukan pa niyang isalba ang kaniyang buhay nang mag-medical leave siya noong Disyembre 2021 para magpa-kidney transplant. Bumalik siya sa tv at radyo noong Marso 2022. At noong Agosto 2022, muli siyang nag-file ng medical leave upang magpagaling umano sa kidney disease at maghanda para sa nakatakdang operasyon sa puso.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Halos limang dekada niyang inilaan ang kaniyang buhay sa broadcast industry. Ganap siyang naging bahagi ng GMA Network noong 1995. Kaya hindi nakakapagtaka ang dami ng mga gantimpala at parangal na natanggap niya gaya ng 1999 Golden Dove Award for Best Male Newscaster at Most Outstanding Male News Anchor noong 2022.

Bago maging anchor at host sa programang “24 Oras” at “Imbestigador”, unang sumalang si Enriquez sa iba’t ibang trabaho sa radyo: broadcast reporter, news editor, station manager, at program director.