Bida nitong Sabado, Setyembre 3, ang Utah Jazz NBA player na si Jordan Clarkson dahil sa pagpapaulan ng tres sa 3rd quarter ng FIBA World Cup kontra China.

Sa score na 96-75, nasungkit ng Gilas Pilipinas ang kampeonato. Ito ang kauna-unahang panalo ng koponan sa tatlo nilang laban sa FIBA.

Ayon kay Aleksandar Djordjevic, tumatayong coach ng China, nawala umano sa focus ang kaniyang mga manlalaro simula nang magpaulan si Clarkson ng limang three-point shots na naging dahilan para lumamang sa kanila ang Gilas ng 22 points.

“I think they look advantage of our loss of focus and concentration and understanding how we should have played the third quarter,” pahayag ni Djordjevic.

Trending

Tikiman time! Kakasa ka bang kainin ang Pomegranate?

Isa umanong mahigpit na laban para kay Clarkson ang nangyaring laro kontra China.

“It’s been a tough tournament but we kept fighting.” anang Filipino-American basketball player.

Pero sino nga ba si Jordan Clarkson?

Isinilang si Clarkson sa Tampa, Florida pero lumaki sa San Antonio, Texas. At dahil may dugong Pinoy ang kaniyang ina gaya ng player ng Houston Rockets na si Jalen Green, isa na rin si Clarkson sa apat na Filipino-American na naitatalang nakapasok sa balwarte ng NBA.

Nauna sa kanila sina Raymond Towsend ng Golden State Warriors at Ricardo Brown ng Houston Rockets na pare-parehong nagsimulang lumaro noong huling bahagi ng dekada ‘70 hanggang gitnang bahagi ng ‘80.

Sa kaniyang senior year sa college, nakapasok si Clarkson sa NBA Draft noong 2014. Ang pumili sa kaniya? Washington Wizard. No. 46 siya sa over-all pick. At mula Washington Wizard, agad siyang inilipat sa Los Angeles Lakers. Dito niya nakasama ang nagbabalik na si Kobe Bryant na kaka-recover lang noon mula sa natamong injury sa paa.

Sa unang taon ni Clarkson, binansagan siyang “NBA All-Rookie First Team” na pambihirang bagay umano para sa isang second round pick.

Nagtuloy-tuloy ang pamamayagpag ni Clarkson. Walang nakapigil. Pagdating ng 2018, inilipat siya sa Cleveland Cavaliers. Dito naman niya nakasama ang mga bigating manlalarong sina LeBron James, Dwayne Wade, Kevin Love, at iba pa. Sa kada laro niya noong panahong iyon, umiiskor siya ng average 16.8 points.

Sa pagpasok ng 2019, napunta naman siya sa Utah Jazz. Dito na niya nakuha ang kaniyang career-best 42 points nang makaharap nila ang Brooklyn Nets noong February 13, 2019.

At ngayon ngang 2023 FIBA World Cup, kasalukuyan siyang bahagi ng koponan ng bansa na nauna nang kinumpirma ng Samahan ng Basketbol ng Pilipinas (SBP) noong Hulyo 24. Pero bago pa man ‘yan, nakapaglaro na si Clarkson bilang bahagi ng Philippine Team sa ginanap na Asian Games noong 2018. Umiiskor umano siya noon ng 26 points kada laro.

Samantala, isa pang manlalaro ng Gilas Pilipinas ang kinakikiligan din at ito ay si Dwight Ramos.

MAKI-BALITA: Dwight Ramos ‘nagpapadribol’ sa puso ng basketball fans