Lumakas pa nang bahagya at bumagal ang bagyong Hanna habang kumikilos ito pakanluran malapit sa baybayin ng Southern Taiwan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Setyembre 3.

Sa tala ng PAGASA nitong 11:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyong Hanna 220 kilometro ang layo sa North Northeast ng Itbayat, Batanes, na may maximum sustained winds na 155 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 190 kilometers per hour.

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.

Dahil dito, itinaas sa Signal No. 1 ang Batanes at Babuyan Islands.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

“Minimal to minor impacts from strong winds are also possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” anang PAGASA.

Pinalalakas naman umano ng bagyong Hanna ang southwest monsoon o habagat na magdudulot naman ng mga pag-ulan sa western portion ng Luzon at Antique sa susunod na tatlong araw.

Inihayag din ng PAGASA na patuloy na maghahatid ang habagat ng gusty conditions sa Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Zambales, Pampanga, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at northern portion ng Eastern Visayas ngayong Linggo.

Inaasahan naman umanong lalabas ng PAR ang bagyo ngayong Linggo ng gabi o pagsapit ng Lunes ng madaling araw, Setyembre 4.