Itinaas sa Signal No. 1 ang Batanes at northern portion ng Babuyan Islands bunsod ng bagyong Hanna na bahagya pang lumakas ngayong Linggo, Setyembre 3, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyong Hanna 215 kilometro ang layo sa North Northeast ng Itbayat, Batanes, na may maximum sustained winds na 150 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 185 kilometers per hour.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas sa Signal No. 1 ang Batanes at northern portion ng Babuyan Islands
(Babuyan Is., Calayan Is.).
“Minimal to minor impacts from strong winds are also possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” anang PAGASA.
Pinalalakas din umano ng bagyong Hanna ang southwest monsoon o habagat na magdudulot naman ng mga pag-ulan sa western portion ng Luzon at Antique sa susunod na tatlong araw.
Inihayag din ng PAGASA na patuloy na maghahatid ang habagat ng gusty conditions sa Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Zambales, Pampanga, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at northern portion ng Eastern Visayas ngayong Linggo.
Inaasahan naman umanong lalabas ng PAR ang bagyo at didiretso sa Taiwan Strait sa ngayong Linggo ng gabi o pagsapit ng Lunes ng madaling araw, Setyembre 4.