MMDA, DILG sa 17 NCR LGUs: 'Sumunod sa rice price ceiling'

(MMDA/FB)
MMDA, DILG sa 17 NCR LGUs: 'Sumunod sa rice price ceiling'
Nananawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) na sumunod sa itinakdang price ceiling sa bigas.
Ito ay matapos pulungin nina MMDA Acting Chairman Romando Artes at DILG Secretary Benhur Abalos ang mga market administrator ng 17 LGUs kaugnay ng inilabas na Executive Order (EO) No. 39 ng Malacañang na nagtatakda ng mandated price ceiling sa bigas sa buong bansa simula sa Martes, Setyembre 5.
Sa naturang pulong, inatasan ng MMDA at DILG ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na pakilusin na ang kani-kanilang local price coordinating council.
Magtutulungan ang MMDA at DILG sa pagbabantay ng presyo ng regular at well-milled rice sa susunod na linggo upang matiyak na naipatutupad ang kautusan.
Kabilang din sa dumalo sa pagpupulong sina DILG Undersecretary Odilon Pasaraba, PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Navotas City Mayor John Reynald Tiangco, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, at Pateros Mayor Ike Ponce.