Nagpahayag si Senador Risa Hontiveros hinggil sa price ceiling sa bigas na itinakda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa buong bansa bunsod ng nakaaalarmang pagtaas ng presyo nito sa merkado.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Marcos sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) magpairal ng price cap upang matiyak ang makatwirang presyo nito at madaling maabot ng mga Pinoy.

National

Marcos, nagtakda ng rice price ceilings nationwide

Maki-Balita: Marcos, nagtakda ng rice price ceilings nationwide

Nitong Biyernes, Setyembre 1, sinabi ni Hontiveros na trabahong tamad umano ang price control.

“Price controls are ‘cures’ that could be even worse than the disease. Ito ba ang reseta ng mga ekonomista ng Malacanang, o ng spin doctors nila? Medyo trabahong tamad ang price control,” saad ng senadora.

“If there are hoarders who want to reduce the rice supply in the market and jack up the price, then they should be caught. Wala pa bang nahanap na ebidensya  ang NBI pagkatapos silang utusan ng Presidente bago mag-SONA?” dagdag pa niya.

Binanggit din ng senadora na tataas talaga umano ang presyo ng bigas dahil kulang umano ang ayuda ng mga magsasaka para sa mahal na fertilizers.

“Pero kahit walang hoarders, tataas talaga ang presyo ng bigas dahil kulang ang naging ayuda sa mahal na fertilizers, hindi inasikaso ng Department of Agriculture na mabigyan ng insurance ang mas maraming magsasaka para sa tanim na binaha, pinigilan ni Agriculture Usec. Panganiban ang mga gustong mag-import na pampuno sana sa kakulangan ng lokal na produksyon at sa gitna ng kalamidad, walang bigas na kayang ilabas ang National Food Authority,” giit ni Hontiveros.

“Hiniling ko noon sa Senado na repasuhin ang Rice Tariffication Law. Dahil sa nakaraang taon ay inipit ang pag-issue ng permits para sa importasyon ng bigas at hindi nakaipon ng buffer stock ang NFA — kontra sa utos ng RTL. Bukod sa RTL, kailangang repasuhin din ang pamamalakad sa DA at NFA,” pagtatapos nito.

Epektibo sa darating na Setyembre 5 ang implementasyon ng price ceiling kung saan aabot sa ₱41.00 per kilo ang regular milled rice habang nasa  ₱45.00 per kilo ang well-milled rice.

Maki-Balita: Marcos, nagtakda ng rice price ceilings nationwide