Matapos ang sunod-sunod na deklarasyon ng "persona non grata" sa drag artist na si "Pura Luka Vega" dahil sa kaniyang paggaya kay Hesukristo at paggamit ng "Ama Namin" remix sa kontrobersiyal na drag art performance, isang content creator naman ang dinudumog ngayon ng netizens dahil sa kaniyang paggaya kay Hesukristo.
Ang nabanggit na content creator ay si "Marlon TapaLord" na kamukha umano ni Hesukristo dahil sa kaniyang mahabang buhok at makapal na bigote.
Sa comment section ng kaniyang posts ay maraming netizens ang napapatanong kung kagaya ba ni Pura Luka Vega, ay madedeklarang persona non grata rin si Marlon dahil dito.
Ilang netizens ang nagbabato ng argumento na porke't "straight" si Marlon, tila wala raw pumapalag at kumukuwestyon sa kaniya, habang si Pura Luka Vega naman daw ay halos ipako na sa krus dahil sa kaniyang pagiging LGBTQIA+ member.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, idineklara na ring persona non grata sa Capiz
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.
"Stop sugarcoating your hypocrisy just for clout. It's clear that you're doing blasphemous things,and still you didn't get called out by the Catholic Churches. Some LGBTQIA people here are mad cuz Pura Luka Vega got persona non grata while you, you get away with it cuz you're straight. Lol."
"Nung elementary ako ang dami ko nang nakita na nagpanggap na Jesus eh, walang kinalaman kung bakla o lalake, ang issue jan ung ginawa. Mga kapatid, pinagtatanggol ni Marlon Tapalord si Pura, ang problema kasi naghahanap damay kayo, kitang-kita na nga yung kaibahan ng ginawa ni Pura. Wag n'yo ipilit na kesyo bakla kesyo lalake, di n'yo ba alam na parehong lalake pa rin yan? Tingnan n'yo mabuti yung ginawa."
"Ito hindi pinapansin. Kapag drag show, kapansin-pansin nga naman noh."
"Marlon TapaLord boss bakit kaya andami nila na-stress... sabihin mo i-block ka nila para hindi sila ma-stress sa post mo..."
"Pero eto hindi kino-callout at dami pang natutuwa??? Eh syempre straight eh MGA HIPOKRITO!!!"
Samantala, bilang depensa sa paghahambing sa kanilang dalawa ni Vega, makikita sa comment section ng sariling post ang pahayag ni TapaLord na "KUMANTA BA KAME NG AMA NAMIN REMIX JAN? ❌ EFAS..."
Ibinahagi rin ni TapaLord ang isang video ng panayam sa kaniya ni Cheryl Cosim sa "Sagot Kita" ng TV5 kung saan ipinaliliwanag ng isa niyang kasamang pastor na wala naman talagang nakakaalam sa tunay na wangis ni Hesukristo, at ang sinusunod lamang na paglalarawan sa kaniya ay batay lamang sa deskripsyon ng simbahan.
Samantala, eksklusibong nakapanayam ng Balita si Marlon at nagbigay siya ng reaksiyon at komento hinggil sa mga sinasabi ng netizens laban sa kaniya.
"Karapatan naman nila magbigay ng reaction sa akin... pero kung supporters sila ni Pura sana nag-donate sila kay Pura... para naman di lang mema mema lang sila..."
"Hanap damay lang din yung iba kasi di nila kaya ipagtanggol nang diretso na lang..." aniya pa.