Lumakas pa ang bagyong Hanna at itinaas na ito sa typhoon category, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Setyembre 1.

Sa tala ng PAGASA nitong 11:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyong Hanna 785 kilometro ang layo sa East Northeast ng Itbayat, Batanes, na may maximum sustained winds na 120 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 150 kilometers per hour.

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Base sa forecast track ng PAGASA, malayo sa kalupaan ang bagyong Hanna, kaya’t hindi umano inaasahang direktang magdudulot ito ng matinding pag-ulan sa alinmang dako ng bansa.

National

PCO, kinumpirmang sina PBBM, FL Liza sumagot sa hospital bills ni Nora Aunor

Gayunpaman, pinalalakas umano ng bagyong Hanna, maging ng bagyong Goring at Severe Tropical Storm Kirogi na nasa labas na ng Pilippine area of responsibility (PAR), ang southwest monsoon o habagat na inaasahang magdudulot ng ilang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Inihayag din ng PAGASA na patuloy na maghahatid ang habagat ng gusty conditions sa Batanes, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at northern portion ng Eastern Visayas ngayong Biyernes.

Inaasahan umanong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo sa Linggo ng umaga, Setyembre 3.