Iniulat ng Department of Education (DepEd) na patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga mag-aaral na nagpa-enroll para sa School Year 2023-2024 at umabot na sa 24.7 milyon.
Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) para sa SY 2023-2024 na inilabas ng DepEd, nabatid na hanggang alas-2:00 ng hapon ng Agosto 31, 2023, ay nakapagtala na sila ng 24,772,003 na kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro para sa bagong taong panuruan.
Kabilang na dito ang mga estudyanteng nagpatala sa mga pampublikong paaralan, pribadong paaralan, at maging sa mga state universities and colleges (SUCs) at mga local universities and colleges (LUCs).
Ayon sa DepEd, sa nabanggit na bilang, pinakamarami ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 3,672,271.
Sinusundan ito ng Region III na may 2,753,328 enrollees at ng National Capital Region (NCR) na may 2,597,582 enrollees.
Ang mga nagpatala naman sa Alternative Learning System (ALS) ay umabot na sa 217,631.
Ang enrollment para sa SY 2023-2024 ay sinimulan noong Agosto 7 at nagtapos na noong Agosto 26.
Ang pasukan naman ay pormal nang sinimulan noong Agosto 29, 2023.