Tampok sa vlog ng ABS-CBN broadcast journalist na si Karen Davila ang ‘Casa Esperanza’ na pagmamay-ari ng mag-asawang Conrad Onglao at Zsa Zsa Padilla.
Pagpasok pa lang sa Casa Esperanza, hindi na maitago ang pagkamangha ni Karen sa lugar.
“This is paradise,” aniya.
Nang tanungin ni Karen ang mag-asawa kung gusto nilang tumira sa Casa, sinabi ni Zsa Zsa na tumitira umano sila doon kapag libre sila.
“We really designed it to be really our house; our second home,” sabi pa ni Conrad.
Nang dumako ang usapan tungkol sa mga materyal na ginamit sa Casa, sinabi ni Conrad na ang mga bato sa dingding ng Casa ay split face river rocks. Samantala, lumang yakal naman diumano ang kahoy na ginamit para sa iba pang bahagi ng bahay.
Humalaw umano sila ng inspirasyon sa disenyo ng Casa sa mga nakita nilang farm house sa New Zealand nang minsan silang magawi roon.
Ibinahagi rin ni Conrad na ang garden ng Casa ay talagang gubat. Pero hindi na nila ito ipinagalaw pa upang magkaroon ng santuwaryo ang mga ibon.
“So, in a way, this is your passion project?” tanong ni Karen sa arkitektong si Conrad.
“Yes,” mabilis na sagot nito.
“It became like our babies,” segunda naman ni Zsa Zsa.
Pero dahil sa sobrang laki ng Casa, nagpasiya ang mag-asawa na buksan ito sa publiko para matugunan ang maintenance ng lugar.
Ang Casa Esperanza na matatagpuan sa Barangay Piis, Lucban, Quezon ay may lawak na dalawang ektarya. Ang pangalan ng naturang lugar ay hango kay Zsa Zsa na ang tunay na pangalan ay “Esperanza.”