Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Inaresto ng pulisya ang limang kaanib ng New People's Army (NPA) kasunod ng sagupaan sa Sto. Niño, Cagayan na ikinasugat ng isa sa mga ito nitong Agosto 31.

Kabilang sa nadakip ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng Philippine National Police (PNP) sina Edwin Callueng alyas “Happy”, Aiza Antonio, alyas "Ka Mira", Ramil Andam, Alvin Andam at Jayson Melad.

Si Callueng, taga-Barangay Lipatan, Sto. Niño, Cagayan na kasapi rin ng Execom/West Front, Komiteng Probinsiya o KOMPROB Cagayan, KR-CV, ay kabilang umano sa Periodic Status Report of Threat Group (PSRTG) listed para sa 1st quarter ng 2023.

Naglabas din umano ng warrant of arrest ang hukuman dahil sa patung-patong na kasong kriminal laban kay Callueng.

Kabilang sa kaso ni Callueng ang attempted murder na hawak ngayon ng Branch 26 Luna Regional Trial Court (RTC) sa Apayao, 3 counts ng illegal possession, manufacture, acquisition of firearms, ammunitions or explosives; at isang paglabag sa anti-terrorism act of 2020 o RA 11479 na kinakaharap nito sa 2nd Judicial Region, RTC Branch 11 sa Tuao, Cagayan.

Sa pahayag naman ni Lt. Col. Virgilio Vi-Con Abellera, Jr., commander ng RMFB2, ang grupo ang may hawak sa kanlurang bahagi ng Cagayan, partikular na sa Solana, Piat, Amulung West, Lasam at Sto. Niño kung saan sila nadakip.

Tinatayang nasa 13 rebelde ang nakasagupa ng 202nd Manuever Company, RMFB2 habang nagpapatrolya sa nasabing barangay kung saan nagtagal ito ng hanggang 10 minuto nitong Huwebes.

Nasugatan sa naturang engkuwentro si Callueng at ngayon ay nakaratay sa isang ospital sa Cagayan.