Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng lungsod na piliing mabuti ang mga lider ng barangay na kanilang ihahalal sa nalalapit na October 30, 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at tiyaking karapat-dapat ang mga ito sa kanilang mga boto.

Ang panawagan ay ginawa ng alkalde kasunod na rin ng pagsisimula ng election period, gayundin ng paghahain ng kandidatura para sa naturang halalan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinayuhan din naman ni Lacuna ang mga botante na sa pagpili ng mga iboboto ay ikonsidera ang karakter ng mga kandidato at tiyaking seryoso ang mga ito sa pagseserbisyo-publiko.

Sinabi ni Lacuna na ang papel ng mga barangay leaders ay napakahalaga dahil sila ang nagsisilbing ‘go-between persons’ o mensahero ng lokal na pamahalaan sa mga residente.

Bagama't paminsan-minsan aniya ay tuwirang nakikitungo ang pamahalaang lungsod sa mga nasasakupan nito, ang mga barangay pa rin ang siyang nagkokonekta ng grassroots level sa iba't ibang departamento at tanggapan sa lokal na pamahalaan.

Binigyang-diin ni Lacuna na sa tulong ng mga opisyal ng barangay ay nalalaman ng city government ang mga pangangailangan at nais ng mga residente, pagdating sa libre at mga pangunahing serbisyo.

Sa kabilang dako, sa pamamagitan rin aniya ng mga barangay ay nagagawang makipag-komunikasyon ng lokal na pamahalaan sa mga residente, hinggil sa kanilang mga programa, bagong regulasyon at mga aktibidad.

Tiniyak naman ng alkalde na gagawin ng kanyang administrasyon ang lahat, sa ilalim ng kanilang mandato, upang tulungan ang mga barangay na makamit ang kanilang layunin at higit pang matulungan ang mga residente, sa abot ng kanilang makakaya.