Bumilis ang galaw ng Severe Tropical Storm Hanna habang kumikilos pakanluran sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes ng hapon, Agosto 31.

Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyong Hanna 1,035 kilometro ang layo sa silangan ng Extreme Northern Luzon, na may maximum sustained winds na 110 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 135 kilometers per hour.

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.

Base sa forecast track, mananatiling malayo sa kalupaan ang bagyong Hanna, kaya’t hindi umano magtataas ng wind signal sa alinmang dako ng bansa.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

Gayunpaman, pinalalakas umano ng bagyong Hanna, maging ng bagyong Goring na nasa labas na ng Pilippine area of responsibility (PAR), ang southwest monsoon o habagat na magdudulot ng ilang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Patuloy naman umanong maghahatid ang habagat ng gusty conditions sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at northern portion ng Eastern Visayas ngayong Huwebes at bukas, Setyembre 1.

Inaasahan umanong lalabas ng PAR sa Sabado, Setyembre 2.