Muling nanawagan ng tulong sa social media ang gurong si "Sunday Reyes" para sa kaniyang dating mag-aaral na may kapansanan sa kaniyang mga paa.

Eksklusibong nakapanayam at naulat na ng Balita ang tungkol sa viral Facebook post ni Reyes noong 2022, kung saan nanawagan din siya ng tulong sa mga netizen para sa wheelchair ng kaniyang pupil na "person with disability" o PWD.

MAKI-BALITA: Mga netizen, naantig sa gurong nanawagan ng tulong para sa mag-aaral na may kapansanan

Makikita sa kaniyang mga ibinahaging litrato noon na kinarga niya ang kaniyang mag-aaral, at nanawagan sa mga may mabubuting kalooban na mabigyan sana ang bata ng wheelchair.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hindi naman nabigo ang guro at ang bata dahil dumagsa raw ang tulong para dito, matapos mapaulat ng Balita. Nagamit ng bata ang kaniyang wheelchair para sa araw-araw na pagpasok sa paaralan lalo't bumalik na ang mga klase sa full face-to-face.

Sa panibagong Facebook post ng guro nitong Agosto 29, 2023, ibinahagi ni Reyes na muli raw nag-chat sa kaniya ang lola ng bata dahil tila may pinagdaraanan daw kamakailan ang kaniyang apo.

Nabigla raw ang lola nang sabihin ng apo na nais na nitong ipaputol ang mga paang may kondisyon.

Naalala raw ng bata ang pangako sa kaniya ng lolo noon na ipapuputol ang kaniyang mga paa upang magkaroon na siya ng artipisyal na mga binti.

Nais daw kasing maranasan ng bata na makatayo na, kagaya ng ibang mga batang nakikita niya sa kaniyang paligid.

Kaya hiling daw ng lola ng bata, mailapit kay Senador Raffy Tulfo ang kalagayan nito.

Kahit hindi na hawak ng guro ang bata sa kaniyang pangangalaga matapos siyang malipat ng ibang paaralan, nakahanda pa rin siyang mag-effort upang matulungan ito.

Mababasa sa Facebook post ng guro, "Mula po sa kanyang lola at sa bata na humihingi ng tulong sa akin na siya ay mailapit sa Raffy Tulfo in Action. Tulungan po natin ang bata na maipaayos ang kaniyang mga paa sa pamamagitan na paglapit kay Hon. Senator Raffy T. Tulfo o sa mga taong maaari makatulong po sa kaniya. Salamat po," aniya.

"Namiss ko ang batang ito kahit ako ay nalipat na ng paaralan hanggang ngayon hindi nawawala ang koneksyon namin sa isa't-isa. Nais kong makamit mo mga pangarap mo anak/estudyante ko. Salamat sa pagtuloy na pag-chat at pagtawag lola."

Kalakip ng post ang screenshot ng conversation thread ng kanilang pag-uusap sa chat ng lola ng mag-aaral.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Reyes, naikuwento raw sa kaniya ng lola kung paano naging emosyunal ang bata nang makita nito ang mga kaedad na naglalaro ng basketball.

"Medyo naging emotional kasi ang bata lalo na yung naalala niya yung pangako ng lolo niyang namatay, kapag nakikita niya nagba-basketball mga kapwa niya bata pero siya hindi niya magawa. Basketball kasi hilig na laro ng bata," salaysay ni Reyes.

"Kasi yung buhay pa Lolo niya sabi kasi daw ng doctor pwedeng putulan mga paa niya at gawan ng artificial para makalakad."

Hangad ng guro na makarating ang balitang ito kay Senador Tulfo o sa kahit na sinumang indibidwal o grupong magnanais na tulungan ang bata.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang updates kung nakarating na ba sa kaalaman ng senador ang tungkol dito, o kung may mga nagpaabot na ba ng tulong upang matupad ang hiling ng mag-aaral.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!