Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na nakatakda nang idaos sa Disyembre 9, 2023 ang special election sa ikatlong distrito ng Negros Oriental upang palitan ang pinatalsik na si dating Rep. Arnolfo Teves.

“The Special Election will be conducted to fill the vacancy in the House of Representatives (HoR) created by virtue of the expulsion of former Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves,” anang Comelec.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kaugnay nito, nabatid na inaprubahan na rin ng Comelec en banc nitong Miyerkules ang Calendar of Activities at Periods of Certain Prohibited Acts kaugnay ng naturang special polls.

Kinumpirma rin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na opisyal nang natanggap ng poll body ang Certification of Permanent Vacancy at ang resolusyon ng HoR na nananawagan para sa isang Special Election sa naturang lalawigan.

Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10945, ang mga aspirante para sa naturang posisyon ay mayroong tatlong araw upang maghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) para sa miyembro ng House of Representatives, sa ikatlong distrito ng Negros Oriental o mula Nobyembre 6 hanggang 8, 2023.

Matapos anila ang panahon ng COC filing, magsisimula na ang election period, na itinakda naman mula Nobyembre 9, 2023 hanggang Disyembre 24, 2023.

Anang Comelec, sa panahon ng election period, iiral din ang gun ban, at ipagbabawal ang pagdadala at pagbibiyahe ng mga nakamamatay na sandata sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga gusali, lansangan, parke, at pribadong sasakyan o public conveyance.

Kakanselahin din ang ang licensed to possess o carry firearms, maliban na lamang kung may kaukulang Certificate of Authority na nakuha mula sa poll body.

Ang campaign period naman para sa naturang special elections ay itinakda mula Nobyembre 9 hanggang Disyembre 7, 2023.

Gayunman, mahigpit nang ipinagbabawal ang pangangampanya mula sa Disyembre 8, na siyang bisperas ng eleksiyon, hanggang sa mismong araw ng halalan, sa Disyembre 9, 2023.

Epektibo rin umano ang liquor ban mula sa Disyembre 8 at 9, 2023.

Anang Comelec, ang voting hours sa election day ay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon, na kaagad na susundan ng pagbibilang at canvassing ng mga boto, gayundin ng proklamasyon sa mananalong kandidato.

Itinakda rin naman ng Comelec ang huling araw nang paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) hanggang sa Enero 8, 2024.