₱6.3M marijuana, sinunog! 2 plantasyon, sinalakay ng PDEA sa Kalinga
Sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ₱6.3 milyong halaga ng marijuana matapos salakayin ang dalawang plantasyon nito sa Kalinga nitong Miyerkules.
Sa datos ng PDEA-Region 2, ang dalawang plantasyon ay nasa Barangay Ngibat, Tinglayan kung saan nakatanim ang 31,500 fully grown marijuana.
Kaagad na sinunog ng PDEA ang mga binunot na marijuana.
Gayunman, walang nahuling may-ari ng plantasyon, ayon sa PDEA.
Matatandaang nasa ₱26 milyong tanim na marijuana ang sinunog din ng PDEA sa nasabi ring bayan nitong Agosto 25.
Dalawang plantasyong nasa 12,000 metrong kuwadrado ang sinalakay ng PDEA sa Butbut at Buscalan.