Kasunod ng balitang pagpanaw ng beteranong mamamahayag na si Mike Enriquez, inalayan ng bulaklak at tinirikan ng kandila ang kaniyang “star” sa Eastwood City Walk of Fame.
Ibinahagi ng Eastwood City ang isang larawan kung saan makikita ang “star” na mayroong pangalan ni Enriquez. Makikita ring pinalibutan ito ng mga inalay na bulaklak at may nakatirik na kandila.
“For the decades of hardwork delivering information to millions of filipinos here and abroad, your star will continue to shine as much as your passion, enthusiasm, and honesty,” saad ng Eastwood City sa caption.
“Eastwood City and the German Moreno Walk of Fame Foundation join the broadcast industry in remembering Mr. Mike Enriquez,” dagdag pa nito.
Pumanaw si Enriquez nitong Martes, Agosto 29, sa edad na 71.
Maki-Balita: Veteran journalist Mike Enriquez, pumanaw na
Ang Eastwood City Walk of Fame ay itinatag ng yumaong si “Master Showman” German “Kuya Germs” Moreno noong 2005. Ito ay itinatag upang bigyang-pugay at parangalan ang mga mahuhusay na personalidad sa kanilang kontribusyon sa kani-kanilang larangan.