Taos-puso ring nakiramay si Senador Risa Hontiveros sa pamilyang naiwan ng beteranong mamamahayag na si Mike Enriquez nitong Martes, Agosto 29.

Inilarawan ng senadora na “magiliw, marunong, at dignified” na senior anchor si Enriquez nang maging co-anchor siya sa GMA News noong 1990s.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Aniya, hindi raw matatawaran ang mga kontribusyon ni Enriquez sa industriya ng broadcasting at news media sa Pilipinas.

“He was a true trailblazer and an innovator who helped shape how Filipinos receive and perceive the daily news. Para sa maraming henerasyon ng Pilipino, ang boses ni sir Mike ang maasahang boses ng balita at komentaryo,” paglalahad ni Hontiveros.

“Walang makakalimot sa kanyang nakakaenganyong tinig at paraan ng paghahatid ng balita, na naging bahagi na ng ating pang-araw araw na buhay.

“Sa pamamagitan ng kanyang mga programa, pinahiram ni sir Mike ang kanyang boses sa hinaing ng mga kababayan nating hindi naririnig o nakikita.

“Naging kakampi siya ng mahihirap na tinulungan niyang ilapit sa katotohanan at hustisya na kanilang hinahanap. Naging katunggali siya ng mga kurap, magnanakaw at mapang-abuso, na kanyang inimbestigahan at hindi tinantanan,” ayon pa sa senador.

Kagaya rin daw ng nakararami, mamimiss daw niya ang boses ng batikang mamamahayag sa radyo at telebisyon.

“Sa kabila nito, mananatiling buhay ang kanyang legasiya, at ang kanyang mga kwento, biro at aral sa ating puso. Umaasa ako na darami pa ang mga broadcaster at media workers na susunod sa yapak ni sir Mike at maghahatid ng serbisyong totoo sa buong bansa.

“Paalam Mike Enriquez. Maraming salamat sa iyong paninilbihan sa inang bayan at sa industriya ng pamamahayag,” ayon pa kay Hontiveros.

Pumanaw sa edad na 71 si Enriquez.