Iniulat ng Department of Education (DepEd) na umakyat pa sa mahigit 23.2 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nagpa-enroll para sa School Year 2023-2024.
Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) Quick Count para sa SY 2023-2024 na ipinaskil ng DepEd sa kanilang social media accounts nitong Martes ng gabi, nabatid na hanggang alas-2:00 ng hapon ng Agosto 29, 2023, nasa 23,287,925 na ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro para sa kasalukuyang taong panuruan.
Anang DepEd, pinakamarami ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 3,521,242.
Sinundan naman ito ng Region III na may 2,661,804 enrollees at National Capital Region (NCR) na may 2,518,027 enrollees.
Anang DepEd, kasama sa naturang bilang ang mga estudyanteng nagpatala sa public schools, private schools at maging sa mga state universities and colleges (SUCs), gayundin ang mga local universities and colleges (LUCs).
Ang enrollment period para sa SY 2023-2024 ay sinimulan noong Agosto 7 at nagtapos noong Agosto 26, 2023.
Pormal naman nang nagbalik-eskwela ang mga mag-aaral nitong Martes, Agosto 29, 2023.