Nagbigay-pahayag si Quezon City Mayor Joy Belmonte hinggil sa pagpapaunlak ng Quezon City Police District (QCPD) ng press conference sa dating pulis na sangkot sa viral road rage incident kamakailan.
Matatandaang noong Linggo, humarap sa press conference si Wilfredo Gonzales sa QCPD headquarters sa Camp Karingal, Sikatuna Village sa tulong ni QCPD director Brig. Gen. Nicolas Torre III matapos ang kaniyang pagsuko.
"I'm not a lawyer or police, but as a regular citizen, I'm outraged na siya pa ang binigyan ng platform para magbigay ng kaniyang panig. Hindi man lang siya nag-apologize. Siya pa raw 'yung aggrieved party," ani Belmonte sa kaniyang panayam sa Radyo 630 na naiulat ng ABS-CBN News nitong Martes, Agosto 29.
"Itong ating QCPD parang sumasang-ayon lang na para siya pa 'yung nagsasabi ng 'go ahead, give your side.' It felt strange to me… There was something wrong, in my view," dagdag pa niya.
Samantala, nitong Agosto 28, nanawagan si Belmonte sa biktimang siklista ng road rage incident na lumantad at kasuhan ang suspek at nangakong bibigyan ito ng proteksyon ng pamahalaang lungsod.
Maki-Balita: Belmonte sa siklistang biktima ng road rage sa QC: ‘Maghain ka ng kaso vs dating pulis’