Instant milyonaryo ang isang Pasigueño matapos na solong mapanalunan ang ₱101.3 milyong jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, matagumpay na nahulaan ng masuwerteng mananaya ang mga six-digit winning combination na 09-30-28-45-31-05 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na premyong ₱101,344,365.20.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa San Miguel, Pasig City.

Upang makubra naman ang kanyang premyo, pinayuhan ni Robles ang lucky winner na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang valid ID.

Paalala pa ni Robles, ang lahat ng lotto winnings na lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% buwis, alinsunod sa itinatakda ng TRAIN Law.

Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon matapos ang araw nang pagbola dito ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.

Samantala, muli ring hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa.

Ang Mega Lotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.