Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga estudyante na tuparin ang pangarap ng kanilang magulang na mag-aral nang mabuti upang makatapos ng pag-aaral.
Ang panawagan ay ginawa ng alkalde nang bisitahin ang Legarda Elementary School sa Sampaloc, sa unang araw ng pagbubukas ng klase ngayong Martes.
Nabatid na mahigit 5,000 estudyante ang nagtipon-tipon upang salubungin ang alkalde.
Ibinunyag naman ni Lacuna na lubhang malapit sa kanya ang nasabing paaralan.
Ayon kay Lacuna, siya at ang kanyang pamilya ay nakatira sa Sampaloc malapit sa nasabing paaralan at ang kanyang yumaong ama na si Manila Vice Mayor Danny Lacuna ay nagtapos sa paaralang ito.
"Kaya alam ko na sa darating na panahon, ang mga mag-aaral dito ay magkakaroon ng magagaling na professionals," anang alkalde.
Nanawagan din ang lady mayor sa mga mag-aaral na mag-aral ng husto upang matupad ang pangarap ng kanilang magulang na makatapos ng pag-aaral at makatanggap ng diploma hanggang kolehiyo.
"Tapos na ang bakasyon. Aral-aral muli... pilitin sana ninyong abutin ang mga pangarap di lang para sa sarili kundi para sa inyong mga magulang, para sa komunidad at para sa bansa," ayon pa kay Lacuna. "Isang bansang maka-bata, batang makabansa.”
Samantala, namahagi rin ang city government ng Maynila sa mga estudyante ng libreng school bags, school supplies at iba pa.
Inanunsyo rin ng alkalde na susunod na ang pamimigay nila ng libreng PE uniforms sa mga mag-aaral.