Balik-eskwela na nitong Martes ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) Quick Count para sa SY 2023-2024 na inilabas ng Department of Education (DepEd), nabatid na hanggang alas-9:05 ng umaga nitong Agosto 29, 2023, nasa 22,917,725 na ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro para sa School Year 2023-2024.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nabatid na pinakamaraming estudyante ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot  sa 3,488,180.

Sumunod naman dito ang Region III na may 2,626,684 enrollees at National Capital Region (NCR) na may 2,497,178 enrollees.

Samantala, iniulat din ng DepEd nitong Martes na wala silang natatanggap na ulat na may mga gurong lumabag sa “no decoration policy” sa mga silid-aralan, na inilabas ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd spokesman Michael Poa na sa kanilang pagkakaalam ay tumalima naman sa polisiya ang mga guro.

Aniya pa, ang hindi pagsunod sa naturang polisiya ay paglabag sa kanilang mga panuntunan.

Gayunman, hindi naman aniya sila naghahanap ng mga gurong mapaparusahan dahil dito.

Sakali naman aniyang mayroong gurong hindi tumalima sa polisiya ay hindi rin naman ito kaagad-agad na papatawan ng kaparusahan.

Sa halip, kakausapin muna ang school head nito at pagpapaliwanagin.

"Kung meron hindi sumunod, we will find out first before natin kasuhan ang teacher," pahayag pa ni Poa.