Nagbigay ng reaksiyon ang aktor na si Gardo Versoza hinggil sa dating pulis na nag-viral matapos umanong labasan at kasahan ng baril ang nakaalitang siklista sa Quezon City noong Linggo, Agosto 27.
Ipinahanap at ipinatunton ng marami ang nabanggit na lalaki, na nakilalang si Wilfredo Gonzales na isa umanong retiradong pulis.
Sa kaniyang Instagram post noong Agosto 27, ibinahagi ni Gardo ang viral na litrato ni Gonzales habang may hawak na baril.
"hhmmnnnnnnn tsk tsk tsk ,, kausapin mo sana wag mong kasahan ng baril 🙈🙈🙈🚴♂️🚴♂️🚴♂️ di mo yan dapat binabandera at pinagyayabang 🙈," ani Gardo sa caption.
View this post on Instagram
Sa isa pang Instagram post, ibinahagi naman ni Gardo ang kumakalat na meme tungkol dito.
Makikitang sa halip na baril ang hawak ni Gonzales, isang gitara ang kaniyang tangan.
View this post on Instagram
Samantala, ni-revoke na umano ng Philippine National Police (PNP) ang lisensya ng baril ni Gonzales sa naganap na road rage incident sa Quezon City.
Ito ang kinumpirma ni PNP public information office chief, Brig. Gen. Red Maranan sa panayam sa telebisyon nitong Lunes, Agosto 28.
Ang naging hakbang aniya ng PNP Firearms and Explosive Office (FEO) ay batay na rin sa direktiba ni PNP chief, Gen. Benjamin Acorda.
Pagdidiin ni Maranan, tatlong baril ang pag-aari ni Gonzales.
Kapag revoked na aniya ang License to Own and Possess Firearm (LTOPF), susulatan pa ng PNP ang may-ari nito upang mai-surrender ang mga ito sa FEO.
Aniya, sakaling hindi naisuko ang mga baril, kukunin ito ng pulisya sa pamamagitan ng search warrant.
Nagbabala rin ang PNP na sakaling hindi naisuko ang mga baril ay kakasuhan ito ng illegal possession of firearms.
Nitong Linggo, Agosto 27, sumuko si Gonzales kay Quezon City Police District chief, Brig. Gen. Nicolas Torre III.
Idinagdag pa ni Torre, hindi pa naghahain ng kaso ang siklista laban kay Gonzales na nauna nang nagsabing nagkasundo na umano sila ng biktima.
Subalit balak umanong maghain ng reklamo ang abogadong si Atty. Raymond Fortun laban sa dating pulis.