TUGUEGARAO CITY, Cagayan — Patuloy ang pamamahagi ng food at non-food items ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region II sa mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Goring sa Cagayan.
Sinabi ng Cagayan Provincial Information Office na pinangunahan ni DSWD R02 Regional Director Lucia Allan ang pamimigay ng 86 family food packs sa Barangay Santo Niño.
Namahagi rin ng tulong ang ahensya sa Aparri, Lasam, Baggao, Gattaran, Gonzaga, at Alcala.
Tiniyak din ng DSWD na mayroon pang mga food packs sa kanilang mga warehouse sa bayan ng Lallo, Abulug, Tuguegarao City, at sa Santiago City sa Isabela.
May kabuuang P54 milyong halaga ng food and non-food items ang nakalagay ngayon sa mga warehouse.
Samantala, nakataas pa rin sa Signal No. 3 ang southern portion ng Batanes at northeastern portion ng Babuyan Islands bunsod ng bagyong Goring, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Agosto 29.
Sa tala ng PAGASA nitong 2:00 ng hapon, namataan ang sentro ng Typhoon Goring 175 kilometro ang layo mula sa East Northeast ng Aparri, Cagayan o 190 kilometro ang layo sa East Southeast ng Calayan, Cagayan, na may maximum sustained winds na 155 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 190 kilometers per hour.
Maki-Balita: Dahil sa Typhoon Goring: Ilang bahagi ng Batanes, Babuyan Islands, Signal No. 3 pa rin