Hindi kagaya ng ibang mga lugar at lalawigang nagdeklarang "persona non grata" sa drag artist na si Pura Luka Vega, welcome daw siya sa Lapu-Lapu City subalit hindi siya puwedeng magsagawa ng drag art performance kung gagayahin niya ulit si Hesukristo.
Ito raw ang pahayag ng alkalde ng lungsod na si Mayor Junard "Ahong" Chan, ayon sa ulat ng "Politiko Visayas."
Dagdag pa, bagama't hindi rin natuwa si Mayor Chan sa ginawa ni Vega o "Amadeus Fernando Pagente," hindi raw siya magdedeklara ng pagka-persona non grata sa drag queen.
Matatandaang mahaba na ang listahan ng mga lugar, lungsod, at lalawigang nagdeklarang hindi welcome si Vega sa kanila.
Subalit tila "unbothered" ang drag artist dahil sinabi niya sa isang pahayag na wala siyang pakialam at dagdagan pa ng iba ang humahabang listahan ng itinuturing siyang persona non grata.
Nagkaroon pa ng isang fund-raising para kay Vega dahil kailangan daw niya ng panggastos sa court battles na kailangan niyang harapin, matapos siyang sampahan ng kaso ng dalawang religious groups kaugnay ng kaniyang kontrobersiyal na drag art performance, na anila'y "blasphemous."