2 mangingisda, nailigtas sa nagka-aberyang bangka sa Romblon
2 mangingisda, nailigtas sa nagka-aberyang bangka sa Romblon
Dalawang mangingisda ang nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) nang magka-aberya ang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng Romblon nitong Linggo ng hapon.
Nasa ligtas nang kalagayan sina Bryan Madeja at Ronie Panuga, kapwa taga-Barangay Agnipa, Romblon, Romblon, ayon sa PCG.
Sa pahayag nina Madeja at Panuga, umalis sila sa kanilang lugar sa Brgy. Agnipa, Romblon, Romblon, sakay ng kanilang bangka upang mangisda sa karagatang bahagi ng Brgy. Sugod, San Agustin, Romblon, dakong 4:00 ng madaling araw.
Dakong 3:00 ng hapon, pauwi na sana ang dalawa nang biglang pumalya ang kanilang makina mahigit dalawang kilometro mula sa Brgy. Sugod.
Idinagdag pa ng PCG, nagtungo sa kanila ang mga kaanak ng dalawang mangingisda upang i-report ang insidente.
Matapos masagip ang dalawang mangingisda, hinatak din ng PCG ang bangka ng mga ito patungong dalampasigan ng Brgy. Bagacay sa Romblon.