Japeth Aguilar, magpakita pa ng pagiging agresibo -- ex-Gilas coach
Japeth Aguilar, magpakita pa ng pagiging agresibo -- ex-Gilas coach
Pinayuhan ni dating Gilas Pilipinas coach Rajko Toroman ang beterano sa international competition na si Japeth Aguilar na dapat ay magpakita pa ng pagiging agresibo sa pagpapatuloy ng laban ng koponan sa 2023 FIBA Basketball World Cup.
Idinahilan ni Toroman ang malawak na karanasan ni Aguilar sa National squad.
Dating manlalaro ni Toroman si Aguilar sa Gilas noong 2009 hanggang 2011.
Ang reaksyon ni Toroman ay isinapubliko sa online sports program ni dating PBA Commissioner Noli Eala nitong Sabado.
Aniya, matagal na sa koponan si Aguilar at tumatayo ring team captain kaya dapat na gamitin nito ang mga tira nito sa gitna o three-point shot.
Ngayong Linggo, dakong 8:00 ng gabi, makakalaban ng Gilas ang Angola sa Araneta Coliseum bago harapin ang Italy sa Martes.
Ginamit lamang si Aguilar sa loob ng 10 minuto nang sagupain ng koponan ang Dominican Republic nitong Agosto 25 kung saan ito nakakuha ng tatlong foul.
Natalo ang National team sa naturang opening game, 87-81.