Sa wakas ay nakatanggap ng "Best Actress" award ang Viva actress na si Heaven Peralejo, para sa 39th Luna Awards ng Film Academy of the Philippines, na ginanap sa Quezon City Sports Club nitong Sabado, Agosto 26, 2023.

Si Heaven ay nagwaging pinakamahusay na aktres para sa pelikulang "Nanahimik ang Gabi" katambal si Ian Veneracion. Ito ay isa sa mga pelikulang lahok sa 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) noong nagdaang Pasko.

Ayon sa appreciation post ni Heaven, pinangarap lamang niya noon ang magkaroon ng parangal sa kaniyang craft. At ngayong gabi, "natatakan" na siya bilang isang aktres.

"Thank you Film Academy of the Philippines for giving me this prestigious award!! #BestActress for Nanahimik Ang Gabi," aniya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa isa pang post, "Dreamed it, then real lifed it. Awarded by [the] Film Academy of the Philippines as Best Actress for #NanahimikAngGabi."

Ang Best Actor naman ay si Noel Trinidad at Best Supporting Actress ay si Mylene Dizon para sa pelikulang "Family Matters" na kalahok din sa 2022 MMFF, na itinanghal din bilang Best Picture. Best Supporting Actor naman si John Arcilla para sa "Reroute" ng Viva Films.

Best Director naman si Mikhail Red para sa "Deleter" na pinagbidahan ni Nadine Lustre.

Nagbigay rin ng special awards para sa ilang personalidad gaya nina Leo Martinez na nakatanggap ng Fernando Poe Jr. Lifetime Achievement Award, multi-awarded cinematographer Conrado Baltazar para sa Lamberto Avellana Memorial Award, at National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee para sa Manuel de Leon Achievement Award.

Si Senadora Imee Marcos naman ay ginawaran ng 8th Golden Reel Award.