Gilas Pilipinas, pinadapa ng Angola
Gilas Pilipinas, pinadapa ng Angola
Sa ikalawang pagkakataon, nalasap ng Gilas Pilipinas ang pagkatalo sa kamay naman ng Angola, 80-70, sa pagpapatuloy ng 2023 FIBA Basketball World Cup sa Araneta Coliseum nitong Linggo ng gabi.
Dahil dito, malabo na ang pagkakataon ng National team na makausad sa ikalawang round. Taglay ng Gilas ang 0-2 record habang nakuha ng Angola ang 1-1, panalo at talo.
Nakakuha pa ng pagkakataon ang koponan na makahabol sa bentahe ng Angola, 66-73, nang umiskor si AJ Edu, 2:09 na lamang sa orasan.
Bukod pa rito ang buslo ni Kai Sotto na dalawang free throw, 68-73, sa tangkang alley-oop play.
Gayunman, nagpakawala ng tres si Gerson Domingos na kaya nadagdagan na naman ang kalamangan ng Angola hanggang sa tuluyang maiuwi ang panalo.
Nakatakdang labanan ng Gilas ang Italy sa Martes, dakong 8:00 ng gabi habang tatangkain naman ng Angola na makakuha ng puwesto sa second round laban sa Dominican Republic sa Araneta Coliseum dakong 4:00 ng hapon.