Pinaalala ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na inisponsoran ang Work-from-Home Law noong 2019 upang aktwal na matugunan ang lumalalang sitwasyon ng trapiko sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila.

Ipinunto ito ni Villanueva bilang tugon sa sinabi ng Private Sector Advisory Council (PSAC) na ang “work-from-home” arrangements ay mabuti lamang noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Nang i-author at i-sponsoran natin ang Telecommuting or the Work-from-Home Law noong 2019, layunin natin na mabigyan ng solusyon ang lumalalang sitwasyon ng trapiko sa bansa, lalo na sa metropolitan areas,” pahayag ni Villanueva noong Agosto 24.

“Subalit noong tumama ang COVID-19 pandemic sa buong mundo, nakita natin ang buong implementasyon ng batas at kung paanong hindi natigil ang pagiging produktibo ng mga tao dahil sa ibinigay na alternatibong working arrangement. Sa katunayan, lumago ng 20% mula 2021 hanggang 2022 ang e-commerce at digital transactions kahit na karamihan sa mga tao ay nagtatrabaho sa bahay,” dagdag pa ng senador.

“Maaaring tapos na ang pandemya subalit mas lumalala naman ang sitwasyon ng trapiko lalo na sa Metro Manila. Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2018, P13.8 bilyon ang nawawala sa Pilipinas kada araw dahil sa matinding trapik sa Kamaynilaan,” saad pa niya.

Inilahad din ni Villanueva ang project report ng Compress Traffic Management Plan noong Disyembre 2022 kung saan sinabi ng JICA na “ang transportation cost ng mga road user, na binubuo ng vehicle operating cost at travel time cost, ay aabot sa P5.9 bilyon kada araw sa Metro Manila, at tataas pa ito sa P9.4 bilyon kada araw sa taong 2027 kung hindi aaksyunan.”

Sinabi rin ng senador na bumaba sa 4.7 porsiyento ang inflation rate noong July 2023 mula sa 5.4 na porsiyento noong Hunyo 2023. Ang average inflation rate naman mula noong Enero hanggang Hulyo ngayong taon ay nanatili sa 6.8 porsiyento.

Aniya, pabigat umano ito sa mga commuter lalo na ang minimum wage earners sa NCR ay tumatanggap lamang ng P610 sahod kada araw.

Binigyang-diin din ni Villanueva na malaking tulong ang WFH sa IT-BPO sector kung saan nakapaglikha sila ng 23,000 bagong trabaho noong 2020 at 100,000 naman noong 2021.

“Ang WFH ay malaking tulong rin para sa IT-BPO sector kung saan nakapaglikha sila ng 23,000 bagong trabaho noong 2020 at 100,000 naman noong 2021 at kasabay rin nito ang paglaki ng kita ng mahigit 12% noong 2021 na umabot sa kabuuang $28.8 bilyon. Inihain din natin ang Senate Bill No. 135 na naglalayong payagan ang alternative work arrangement para sa mga kumpanyang nakarehistro sa Investment Promotion Agencies,” anang senador.

“Ang WFH at ibang alternative work set up ay hindi na mawawala at inaasahang magpapabuti pa sa productivity, makakabawas ng mabigat na daloy ng trapiko, magpapaganda sa work-life balance, makakabawas sa gastusin ng ating mga manggagawa at makakapag-ambag sa pangkalahatang kalusugan ng ekonomiya,” dagdag pa niya.

Matatandaan sinabi ni SAC Lead for Jobs at Go Negosyo founder  Jose Ma. “Joey” Concepcion III sa isang televised briefing na dapat himukin ang mga empleyado na bumalik na sa opisina dahil ang mga remote work options ay nagbabawas ng konsumo at nagpapabagal sa ekonomiya.