Warrant of arrest vs Teves, ilalabas na ng korte -- DOJ
Umaasa ang Department of Justice (DOJ) na ilalabas na ng korte ang warrant of arrest laban kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. at apat pang kasabwat umano nito sa pagpatay kay Governor Roel Degamo noong Marso 4.
Sa isang press conference sa Quezon City nitong Sabado, ipinaliwanag ni DOJ spokesperson Mico Clavano na naisampa na sa Manila Regional Trial Court ang kasong murder, frustrated murder at attempted murder cases laban kay Teves nitong Agosto 18.
Dahil dito, posible aniya mailabas ang warrant sa mga susunod na araw.
"‘Yung Degamo case po ay na-i-file na rin po sa Manila. ‘Yun po ay nasa korte na rin at hinihintay na lang po natin ang warrant of arrest,” ani Clavano.
Matatandaang 11 pang suspek sa krimen ang sinampahan na ng patung-patong na kaso nitong Hulyo.
Kamakailan, kinasuhan na rin si Teves at iba pang tauhan nito, sa Bayawan City RTC sa Negros Oriental dahil umano sa pamamaslang sa tatlong katao noong 2019.
Matatandaang pinagbabaril ng mga hindi nakikilalang lalaki si Degamo sa bahay nito sa Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4 na ikinasawi rin ng siyam na iba pa.