Itinaas sa Signal No. 2 ang ilang bahagi ng Cagayan at Isabela dahil sa Typhoon Goring na patuloy na lumalakas sa karagatan sa silangan ng Babuyan Islands, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Agosto 26.
Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng umaga, namataan ang sentro ng Typhoon Goring 200 kilometro ang layo sa East Southeast ng Calayan, Cagayan o 185 kilometro mula sa East Northeast ng Aparri, Cagayan, na may maximum sustained winds na 140 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 170 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-southwestward bilis na 10 kilometers per hour.
Nakataas sa Signal No. 2 ang mga sumusunod na lugar:
- Extreme northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga)
- Extreme northeastern portion ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon)
Samantala, naitala naman ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Batanes
- Babuyan Islands
- Silangang bahagi ng mainland Cagayan (Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Allacapan)
- Silangang bahagi ng Isabela (Dinapigue, San Mariano, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Ilagan City)
- Hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran)
Base sa forecast track ng PAGASA, posible pang lumakas ang bagyo at itaas sa super typhoon category pagsapit ng Lunes, Agosto 28.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na inaasahan ding magdudulot ng occassional rains ang pinalakas ng bagyo na southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas sa susunod na tatlong araw.