Sa pagdiriwang ng Pilipinas ng National Heroes Day nitong Lunes, Agosto 28, halina’t balikan ang kasaysayan ng mahalagang pagdiriwang na ito para sa lahat ng "bayani" mula noon hanggang ngayon.

Sa tala ng Official Gazette, nagsimula ang pagdiriwang ng National Heroes Day noong Panahon ng American Colonialism.

Idineklara ng Lehislatura ng Pilipinas noong Oktubre 28, 1931 sa pamamagitan ng Act No. 3827 ang huling Linggo ng Agosto ng bawat taon bilang opisyal na national holiday para sa National Heroes Day.

Gayunpaman, ginugunita pa rin noong 1931 ang lahat ng mga nakilala at hindi nakilalang bayani ng bansa noong Nobyembre 30, parehong araw kung kailan ipinagdiriwang ang Bonifacio Day para kay Andres Bonifacio, alinsunod sa Act No. 2946 s. 1921.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nakagawian na rin sa Pilipinas noong mga panahong iyon na isabay ang paggunita sa mga bayaning Pilipino sa Bonifacio Day bawat taon. Sa katunayan, naging pangunahing pandangal pa si dating Pangulong Manuel L. Quezon sa pagdiriwang ng National Heroes Day na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas noong Nobyembre 30, 1936.

Bagama't ipinagdiriwang sa parehong araw ang National Heroes Day at Bonifacio Day, magkahiwalay ang pagdiriwang ng bansa rito.

Marso 20, 1942 nang lagdaan na rin ni dating Pangulong Jose P. Laurel ang Executive Order No. 20 na nagtatakda ng National Heroes Day tuwing Nobyembre 30 ng bawat taon.

Samantala, makalipas ang isang dekada, taong 1952 nang ibalik ni dating Pangulong Elpidio Quirino ang pagdiriwang ng National Heroes Day sa huling Linggo ng Agosto ng bawat taon.

Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 190, s. 1952, hinirang din ni Quirino ang Kalihim ng Edukasyon na si Cecilio Puton bilang pinuno ng isang komite na mangangasiwa sa pagdiriwang ng National Heroes Day na natapat sa Agosto 31 nang nasabing taon.

Noong araw na iyon, nagbigay ng talumpati si Quirino sa Philippine Normal College (dating Philippine Normal University), at ipinaliwanag niya ang dahilan umano kung bakit inilipat ang pagdiriwang ng National Heroes Day mula Nobyembre 30 pabalik sa huling Linggo ng Agosto.

“[The] change has become necessary because of the interest from different sectors of our country to celebrate each hero’s anniversary in order to perpetuate his [Andres Bonifacio’s] name,” ani Quirino.

Pinagtibay naman ito ng Administrative Code ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong 1987 sa pamamagitan ng Executive Order No. 292, Book 1, Chapter 7, na naglaan ng listahan ng mga regular holiday at mga nationwide special day.

Itinakda rin sa Administrative Code ang National Heroes Day bilang isang regular holiday na ipinagdiriwang sa huling Linggo ng Agosto. Nakasaad din naman sa Administrative Code na ang listahan ng mga holiday at special day ay maaaring "baguhin ng batas, kautusan o proklamasyon."

Kaugnay nito, Hulyo 24, 2007 nang lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang batas ang Republic Act No. 9492 o ang pag-amyenda sa Book 1, Chapter 7 ng Administrative Code.

Sa bisa ng R.A. 9492, ang pagdiriwang ng National Heroes Day ay pumapatak sa huling Lunes ng Agosto, alinsunod umano ng programa ni Arroyo na “Holiday Economics.”

Layon ng "Holiday Economics" na ilipat ang mga holiday sa pinakamalapit na Lunes o Biyernes ng linggo, upang mapalakas umano ang domestic leisure at turismo.

Ilang dekada na ang nakililipas at ilang mga pangulo na rin ang dumaan na nagpalipat ng petsa ng pagdiriwang ng National Heroes Day.

Ngunit, ayon din sa Official Gazette, sa hinaba-haba ng kuwento ng kasaysayan ng espesyal na araw na ito, isa ang malinaw: walang kahit isang pangalan ng bayani na tinukoy ang batas na pinag-alayan ng pagtatatag ng National Heroes Day.

Maaari itong manipestasyon sa isang mahalagang mensahe na ang National Heroes Day ay para sa lahat ng mga tao sa kasaysayan at sa kasalukuyan na nagpakita at nagpapakita ng kabayanihan.

Ngunit ano ba ang sukatan ng kabayanihan?

Ayon sa historyador na si Dr. Zeus Salazar, maituturing na bayani ang isang taong nagkukusang magbigay ng serbisyo sa bayan nang walang anumang hinihintay na bayad o kapalit.

Kaugnay nito, nagmula umano ang salitang “bayani” sa katagang “bagani” na nangangahulugang “mandirigma,” at “wani” na nangangahulugang “malasakit at pagtulong.”

Mula rito ay mahihinuhang bukod sa mga pangalan ng mga bayaning nakaakda na sa aklat ng kasaysayan ng Pilipinas, tulad nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna, at iba pa, maaaring bigyang-pugay ngayong National Heroes Day ang lahat ng indibidwal na nagbigay at nagbibigay ng mabuting kontribusyon sa bayan nang walang hinihintay na pansariling kapalit.

Maligayang Araw ng mga Bayani!