Umabot pa sa 3.4 kilometro ang ibinugang lava ng Mayon Volcano, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa nakaraang 24 oras na pagbabantay ng Phivolcs, ang nasabing pagragasa ng lava ay naitala sa Bonga Gully habang 2.8 kilometro naman ang naobserbahan sa Mi-isi Gully.

Aabot naman sa 1.1 kilometro ang dumaloy na lava sa Basud Gully.

Nasa 21 pagyanig naman ang naitala sa nakalipas na 24 oras, bukod pa ang 186 rockfall events at isang pyroclastic density current (PDC), ayon sa Phivolcs.

Nitong Agosto 25, nagbuga ang bulkan ng 1,084 tonelada ng sulfur dioxide, bukod pa ang puting usok na umabot sa 300 metro at ito ay tinangay ng hangin pa-silangan.

Ipinaiiral pa rin ng Phivolcs ang 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa nakaambang pagsabog ng bulkan.