Isang dating guro sa pampublikong paaralan ang nag-post ng open letter para kay Vice President Sara Duterte na kasalukuyan ding Kalihim ng Department of Education (DepEd), ilang araw bago ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa darating na Agosto 29.

Mababasa sa Facebook post ni "John Dash Niel Masong" ang "panawagan" ng dating kasamahan sa paaralan na si "Teacher Malou" para sa kasalukuyang DepEd Secretary.

Ang panawagan ay tungkol sa tambak na paperworks na ipinagagawa sa mga pampublikong paaralan, na mas marami pa raw oras na nakokonsumo kaysa sa paghahanda sa aktuwal na pagtuturo.

Hindi raw mawari ng guro kung bakit may mga tambak na papeles na kailangang gawin ang mga guro, na ang iba raw ay hindi naman talaga kailangan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

"Dear VP Sara Duterte,"

"Sana po mabasa niyo ito," saad sa post.

"Ako po si Teacher Malou. Isa po akong DepEd Teacher. Pasukan na po next week at hanggang ngayo'y nangangamba pa rin ako sa paparating na school year."

"10 taon na po akong guro sa isang public school dito sa NCR. Nakakalungkot mang tanggapin pero paubos na po ang liwanag na natitira sa munti kong kandila. Napapagod na po akong magturo. Mahal ko po ang mga estudyante ko at masaya po akong magbahagi ng kaalaman sa kanila."

"Gayunpaman, ninanakaw po ng tambak na paperworks ang kasiyahang ito. Hindi ko po alam kung bakit naging ganito ang sitwasyon namin pero karamihan po ng mga simpleng gurong kasama ko sa DepEd ay nagtataka sa dami ng paperworks na ginagawa namin."

Kaya hiling ng guro, "Maari po bang magpokus na lang tayo dun lamang sa mahahalagang paperworks at ipagpaliban na ang hindi naman na kailangan? Professionals din naman po kami. Pinaghirapan ang lisensya namin- gaya ng mga doktor, abogado, at iba pa. Sana po'y mabigyan kami ng simpleng kalayaang ipraktis ang pagiging professional na guro- nirerespeto't hinahayaang maging malaya sa aming propesyon."

Hindi raw hiling ng guro ang mataas na suweldo kundi "makataong dami ng trabaho."

"Sana po'y mapakinggan kami, VP. Gusto naman po namin makibahagi sa #DepEdMatatag campaign pero ang hirap po magpakatatag sa sitwasyon namin ngayon. Hindi ko po muna hihilingin ang mas mataas na sweldo. Mas uunahin ko pong hilingin na mas maging makatao ang dami ng aming trabaho."

"May pamilya rin po kaming inuuwian at kinakalinga. Sana po'y matulungan niyo kaming magliwanag muli para sa aming mumunting mag-aaral."

"Para sa bata, para sa bayan," giit pa ng guro.

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita sa uploader ng open letter na si John, sinabi niyang matagal na siyang wala sa pagtuturo subalit pinili niyang i-post ang nabanggit na open letter upang iparating ang mensahe kay Duterte.

"I'm no longer connected po sa DepEd. I was a former public school teacher. I already transferred to a different agency po since 2019. This open letter is an outcry of my former fellow teachers who still teach in DepEd. Just trying to speak up for them po," aniya.

"The goal of the post is to simply reach the office of VP Sara," dagdag pa niya.

Matatandaang bukod sa pagtaas o umento sa suweldo, isa rin sa mga suliraning hinahanapan ng solusyon ng mga guro sa DepEd ang tambak na paperworks.

Mas gumugugol pa raw sila ng panahon dito kaysa sa paghahanda sana para sa kanilang pagtuturo.

Ang ilan daw sa mga paperworks ay hindi kailangan, o kaya naman daw ay "doble-doble" lamang.

Noong 2022 ay napag-usapan na rin ang balak na pagtatanggal ng "admin tasks" sa mga guro upang mabawasan ang pagharap sa mga paperworks.

MAKI-BALITA: DepEd, balak tanggalin admin tasks sa mga guro para makapagpokus sa pagtuturo

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon o pahayag ang DepEd o maging si VP Sara kaugnay nito.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter