Itinaas na sa Signal No. 1 ang apat na lugar sa Northern Luzon bunsod ng bagyong Goring na bahagya pang lumakas ngayong Biyernes ng umaga, Agosto 25, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Goring 220 kilometro ang layo sa silangan timog-silangang bahagi ng Basco, Batanes, na may maximum sustained winds na aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 90 kilometers per hour.
Mabagal itong kumikilos pa-southwestward.
Dahil dito, itinaas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
- Batanes
- Silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Is., Camiguin Is.),
- Silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca)
- Hilagang-silangan ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan)
Base sa forecast track ng PAGASA, posible pang lumakas ang bagyo at itaas sa typhoon category sa bukas ng Sabado, Agosto 26.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na inaasahang palalakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat na magdadala rin ng occasional rains sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon simula bukas at sa kanlurang bahagi ng Visayas sumula sa Linggo, Agosto 27.