Isang 15-anyos ang binawian ng buhay nang mabaril umano ng isang pulis, na nagtangkang bumaril sa kanyang kuya, sa tapat mismo ng kanilang bahay sa Rodriguez, Rizal, nabatid nitong Biyernes.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang biktimang si John Francis Ompad, 15, Grade 9 student, at residente ng Southville 8B, Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal habang arestado at nakapiit na ang mga suspek na sina PCPL Arnulfo Sabillo, 37, nakatalaga sa Community Precinct (Compac) 5 ng Rodriguez Municipal Police Station, at sibilyan na si Jeffrey Baguio, 27, ng Pasig City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Lumilitaw sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station na dakong alas-12:00 ng madaling araw ng Agosto 20, Lunes, nang maganap ang krimen sa harapan mismo ng tahanan ng biktima.

Bago ang krimen ay pauwi na ng bahay, lulan ng motorsiklo, ang kuya ni Ompad na si John Ace Ompad, 19, nang parahin umano siya ng dalawang lalaking nakasibilyan na umano’y mga lasing at sakay din ng motorsiklo.

Dahil sa alanganin ang oras at sa pangambang hoholdapin siya ng mga suspek, hindi tumigil ang binata at sa halip ay pinaharurot nito ang kanyang motorsiklo pauwi ng bahay ngunit sinundan pa rin siya ng mga suspek, sakay ng kanilang motorsiklo.

Pagsapit sa malapit sa kanilang bahay ay nakita umano ni John Ace na bumubunot ng baril ang mga humahabol sa kanya, kaya’t kaagad niyang hinubad ang kanyang helmet at ibinato ito sa mga suspek dahilan upang matumba sila sa motorsiklo.

Ikinagalit naman umano ng pulis ang ginawa ng binata kaya’t pinaputukan siya nito ng baril, ngunit ang tinamaan sa tiyan ay ang kanyang nakababatang kapatid, na nagkataong papalabas naman ng kanilang bahay.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente habang naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit binawian rin ito ng buhay.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, nakilala ang mga suspek at kaagad na inaresto ng mga otoridad at saka sinampahan ng kasong homicide, dahil sa pagkakapatay kay Ompad, at attempted homicide, dahil sa tangkang pagpatay sa kanyang kuya.

Samantala, mariing kinondena ng Rizal Police Provincial Office (RPPO) ang pangyayari na kinasasangkutan ng kanilang tauhan.

Kaagad ring sinibak ng RPPO ang lahat ng mga personnel ng ComPAC 5 habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng lapses sa insidente.

Nagpaabot din si RPPO Director PCOL Dominic Baccay ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng biktima at tiniyak na gagawin nila ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang binatilyo.

"We are saddened to learn about the incident; such acts of violence have no place in our society; we strongly condemn the murder of the victim, Mr. John Francis Ompad. This is an isolated incident that does not represent the vast majority of PNP officers that go beyond their duties every day to make the public feel comfortable and secure,” aniya.