Nakataas sa Signal No. 1 ang ilang bahagi ng Northern Luzon bunsod ng bagyong Goring na mas lumakas pa ngayong Biyernes ng umaga, Agosto 25, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Goring 225 kilometro ang layo sa silangang timog-silangan ng Basco, Batanes o 270 kilometro sa silangan ng Calayan, Cagayan, na may maximum sustained winds na aabot sa 85 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 105 kilometers per hour.

Mabagal itong kumikilos pa-south southwestward.

Dahil dito, itinaas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:

National

VP Sara sa mga manggagawa: ‘Nawa’y manatili tayong matatag para sa tunay na kaunlaran’

  • Batanes
  • Silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Is., Camiguin Is.)
  • Silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri)
  • Silangang bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, Dinapigue, San Mariano, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Ilagan City) 

Base sa forecast track ng PAGASA, posible pang lumakas ang bagyo at itaas sa typhoon category sa bukas ng Sabado, Agosto 26. 

Inihayag din ng PAGASA na inaasahang palalakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat na magdadala rin ng occasional rains sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon simula bukas at sa kanlurang bahagi ng Visayas sumula sa Linggo, Agosto 27.

Samantala, mayroon umanong bagong low pressure area (LPA) na mino-monitor ang PAGASA sa labas ng Philippine area of responsibility.

Huling namataan ang LPA 1,935 kilometro ang layo sa silangan ng Eastern Visayas.

Malayo pa naman umano ito sa kalupaan at wala pang direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.