Natagpuang patay at walang saplot umano ang isang 17-anyos na babaeng senior high school student sa Barangay Bunga, Toledo City sa Cebu nitong Biyernes, Agosto 25, ayon sa ulat ng local radio station.

Sa ulat ng DYHP RMN Cebu nitong Biyernes, kinilala ang umano’y biktima na si Sharmaine Flores, Grade 12 student ng isang pribadong paaralan sa Cebu.

Probinsya

69-anyos senior citizen, timbog sa iligal na droga

Kinumpirma ni Police Staff Sergeant Alfredo Son ng DAS, Lutopan, Toledo City police station ang insidente kasunod ng natagpuang bangkay kaninang madaling araw. Wala na rin umanong saplot ang biktima.

Ayon umano sa kapatid ng biktima na si Wesley Flores, lumabas ng bahay si Sharmaine Agosto 24 ng gabi para magpaload at hindi na ito nakauwi.

Gayunman, hindi nila agad hinanap ang biktima dahil akala nila pumunta rin ito sa madre na pinagtatrabuhang part-time.

Ngunit nang lumalim na raw ang gabi, nag-alala na si Anna Maria Montebon, ina ng biktima, at hinanap si Sharmaine kasama ang mga kapatid.

Inilarawan ni Montebon na madilim ang daan patungo sa kanilang lugar. Si Sharmaine ang pang-anim at nag-iisang babae sa pitong magkakapatid. Iskolar din daw umano ito ng mga madre sa kanilang lugar kung saan ito nagtatrabaho tuwing Sabado.

Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang insidente.