Nakatakdang ipatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng sports utility vehicle (SUVs) matapos mag-park sa gitna ng kalsada malapit sa entrance gate ng La Salle Greenhills sa Mandaluyong kamakailan.
Sa Facebook post ng LTO, ipinaliwanag ng hepe nito na si Vigor Mendoza II na iniutos na niya ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa usapin kasunod ng rekomendasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na parusahan ang naturang driver.
ARTA, iraratsada website para sa reklamo sa mga ahensya ng gobyerno
“Nakita ko mismo ang larawan ng inirereklamong insidente at ako’y napailing na lang habang binabasa ang sulat galing sa MMDA na pagkatapos iwan ang sasakyan sa gitna ng kalsada ay pumasok ang driver nito sa loob ng isang paaralan sa lugar,” ani Mendoza.
“But as part of the due process, we will conduct an investigation to identify the driver and eventually summon him and ask him to explain why he should not lose the privilege of being granted a driver’s license,” pahabol ng opisyal.
Sa nasabing liham ng MMDA, binanggit na ang insidente ay naganap nitong Agosto 16 kung saan isang Toyota Fortuner ang iniwan ng driver sa gitna ng kalsada bago ito pumasok sa naturang paaralan.
Dahil sa insidente, tumindi ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.
Paglilinaw ng MMDA, nilabag ng driver ang Republic Act 4136 o pagharang sa daloy ng trapiko.
Ang nasabing paglabag ay posibleng ikasuspindi ng lisensya sa pagmamaneho ng nasabing driver, sabi pa ng MMDA.
Kaugnay nito, nangako si Mendoza na reresolbahin sa lalong madaling panahon ang usapin.