Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga nagsipagtapos ng Alternative Learning System (ALS) sa Manila City Jail (MCJ) na gugulin ang kanilang panahon sa pagpupursige na magkaroon ng mas mataas pang kaalaman.
Sa kanyang talumpati sa graduation ceremony na idinaos nitong Miyerkules, pinasalamatan din ni Lacuna si Superintendent Rita Riddle ng Department of Education (DepEd)- Manila dahil sa pagdadala ng ALS program sa Manila City Jail.
Nagpahayag din ng pagtanaw ng kagandahang loob ang alkalde kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Regional Director Chief Superintendent Clint Russel Tangeres dahil sa pagpayag nito na maging bahagi ang mga bilanggo sa nasabing learning program.
Dumalo rin sa pagtitipon si ALS Supervisor Lea Faa at City Jail Warden Maria Lourdes Pacion na kapwa binati ng alkalde.
Nagpahayag ng kasiyahan ang alkalde sa pagiging bahagi niya ng pagtatapos ng mga bilanggo.
"Malaking bagay na sa pansamantala ninyong pananatili dito sa loob ng city jail ay binigyan ninyo ang inyong sarili ng pagkakataon upang gawing makabuluhan ang bawat oras ninyo sa pamamagitan ng pagpapatuloy ninyo ng inyong pag-aaral. At kung ngayon ay pumasa na kayo sa pang elementary level, may tsansa na kayong mag-upgrade at sikapin namang tapusin ang high school level," ayon kay Lacuna.
Dagdag pa niya, "Lahat naman tayo ay may mga hinaharap na mga hamon sa buhay. Kung minsan nalalagay lang tayo sa mga alanganing sitwasyon na nagreresulta sa mga di kanais-nais na pangyayari. Pero alalahanin natin na ang lahat ay may dahilan."
Anang alkalde, kung minsan ay kailangan na makagawa tayo ng pagkakamali upang malaman natin kung ano ang tama.
Kaugnay nito, sinabi rin ng alkalde na ang pagiging matatag ay bahagi ng mga nagsisikap na matuto at gustong umangat sa buhay.
"Kinakailangan nating magpaka-tatag, at matiyagang maghintay sa tamang panahon at tamang pagkakataon. Hindi man tayo palaging malakas, pero ang mahalaga, palagi tayong matatag sa pagharap sa anumang pagsubok," pahayag ng alkalde.
Idinagdag pa niya na: "Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa buhay. Bahagi ng pagiging matatag ang pagtanggap natin sa katotohanang walang perpektong buhay. At ang malaking hamon sa atin ay kung papaano natin aayusin ang ating mga sarili, kung paano natin itatama ang mga mali, at kung paano natin haharapin ang panibagong araw pagdating ng bukas."
Sa kanyang pagbati sa mga nagsipagtapos, sinabi ni Lacuna na dapat nilang lasapin ang bunga ng kanilang pagsisikap bilang paghahanda sa magandang kinabukasan.
"Tuloy-tuloy lang, tiyaga-tiyaga lang, at kayo rin naman ang aani ng inyong tagumpay. Sabayan natin ng malalim na pananalig sa Diyos. Lagi tayong tumawag sa Kanya at tiyak ang Kanyang kasagutan sa tamang oras at takdang panahon," sabi pa ni Lacuna.
Nabatid na nasa 54 persons deprived of liberty (PDL) ng MCJ, na nagkaka-edad ng 19 hanggang 56-anyos, ang nagtapos mula elementarya sa pamamagitan ng ALS.