Iniulat ng Department of Education (DepEd) na umaabot na sa 18.8 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nagpa-enroll na para sa School Year 2023-2024.
Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) Quick Count para sa SY 2023-2024 na inilabas ng DepEd nitong Huwebes, nabatid na hanggang alas-2:00 ng hapon ng Agosto 23, 2023, nasa 18,833,944 na ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro para sa darating na taong panuruan.
Sinabi ng DepEd na pinakamarami ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 3,114,341.
Sinusundan naman ito ng NCR (2,354,285) at Region III (2,062,981).
Anang DepEd, magpapatuloy ang enrollment hanggang sa Agosto 26, 2023.
Magsisimula naman ang klase sa mga public schools sa Martes, Agosto 29.