Bike lane violators, huhulihin na next week
Uumpisahan nang hulihin sa susunod na linggo ang mga nagmomotorsiklong dumadaan sa bicycle lane sa Metro Manila.
Ito ang tiniyak ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes sa Laging Handa public briefing sa Malacañang nitong Huwebes.
Pagdidiin ng opisyal, layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga nagbibisikleta.
Napansin aniya ng ahensya ang tumataas na bilang ng mga naka-kotse at naka-motorsiklo na gumagamit ng bike lanes.
“Dati naman po sinusunod iyan pero with the suspension or TRO (temporary restraining order) sa NCAP (no contact apprehension policy), lumakas po ang loob ng ating mga kababayan na i-violate po iyang safe space na inilaan ng DOTr (Department of Transportation) para sa nagbibisikleta," anang opisyal.
Paglilinaw ng opisyal, hindi na nila isasapubliko ang petsa ng pagsisimula ng operasyon ng MMDA upang mabulaga ang mga lalabag sa bicycle lane.